Taon-taon, tuwing ika-30 ng Nobyembre ay ipinagdiriwang natin ang "Araw ng Kapanganakan ni Andres Bonifacio" na siyang kilala na nagtatag ng Katipunan at Ama ng Rebolusyong Pilipino sa bisa ng Legislative Act No. 2946.
Ang Katipunan o mas kilala bilang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK ay ang kilusang inilunsad ng grupo ni Bonifacio laban sa mga mapang-aping mananakop na Espanyol noong 1892.
Sa pamumuno ni Bonifacio, maraming grupo ng dayuhan ang nalupig at napagtagumpayang labanan. Sa mga panahon ding iyon ay natamasa ng ibang mga Pilipino ang daplis ng kalayaan at pamumuhay ng walang kumokontrol na Kastila sapagkat naipagtanggol nila ang kanilang bayan at kapwa.
Ang selebrasyon ng kapanganakan ni Bonifacio ay simbolo ng katapangan at kadakilaan ng isang kapwa Pilipino na handang tipunin at manguna sa mga kilusan upang ipagtanggol ang karapatan at iwasang maapi laban sa mga dayuhan. Hindi naging balakid ang takot sapagkat nanaig ang pagkakaisa at kagustuhan na mamuhay nang tahimik, payapa at hindi sa lagim na dala ng mga mananakop.
Naging kahanga-hanga ang patriyotismo na ipinakita ng grupo ni Bonifacio sapagkat kahit pa nakataya ang mga buhay nila ay nagawa nilang magtagumpay sa ilang mga misyon nila. Ang pakikipaglaban gamit ang dahas ang pinakadelikado sa lahat subalit nakuha nilang yakapin pa rin ito sa kagustuhang mapalaya ang bayan sa kamay ng mga malulupit at walang hustisyang pamamalakad ng mga Espanyol. Sa kasamaang palad, mas dumanak ang dugo at maraming buhay ang naisakripisyo para sa kalayaan ng ating Inang-bayan at mamamayan.
Si Bonifacio ay sagisag ng isang masigasig na Pilipino at hindi iyon maitatanggi. Sa pagdiriwang ng kanyang kapanganakan ngayon, nawa'y bigyan natin ng pagpupugay ang bawat buhay na naialay at palaging alalahanin na ang kanilang sakripisyo ay hindi kailanman napunta sa wala.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay malaya na sa mga mananakop at tanging ang ala-ala ng nakaraan ang nagpapatunay na ang ating mga ninuno ay nanindigan sa abot ng kanilang makakaya upang matamasa natin ang ating mga karapatan at mamuhay nang walang inaapakang kapwa upang makaiwas sa gulo at hidwaan. Na sana'y mas gawin nating kalakasan ang pagka-Pilipino at magkaisa sa mga magagandang hangarin, ipagtanggol ang bawat isa sa mga maling gawain at pagkukulang, at maging inspirasyon ang sakripisyo ng ating mga ninuno upang palaging panatilihin ang Kapayapaan sa bawat sulok at antas ng lipunan ng Pilipinas.
Sa pagbabago ng panahon at paglaganap ng modernisasyon at teknolohiya, maraming bagay at paraan ang umusbong upang payapang ayusin ang mga problema at isyung panlipunan. Ito na rin ang nagiging gabay natin patungo sa napapanatiling pag-unlad ng bawat aspeto ng lipunan na walang naisasakripisyong karapatan at buhay.
ANG NAKAKALUNGKOT SA SITWASYON NGAYON AY MAYROONG MGA GRUPONG UMAANGKIN NA IPINAGLALABAN ANG ILANG MGA LEHITIMONG ISYU SUBALIT GINAGAMIT ANG DAHAS SA PAGTAAS NG KANILANG MGA INAANGKING HINAING NG TAONG BAYAN. IMBES NA NAAAGAPAN ANG MGA PROBLEMA AY NAGIGING UGAT NG ISANG SERYOSONG PROBLEMA- ISA NA RITO ANG INSURHENSIYA NA NAGRERESULTA NG LABANAN SA PAGITAN NG MGA KASUNDALUHAN AT MGA KOMUNISTANG TERORISTANG GRUPO. NAKAKALUNGKOT ISIPIN NA MAY MGA NAISASAKRIPISYONG BUHAY NG KAPWA PILIPINO PATI NA ANG MGA INOSENTENG SIBILYAN. MAY MGA PANGARAP NA NATUTUNAW AT NAGLALAHO GAYA NG EDUKASYON AT MASAYANG PAMILYA.
Nawa'y dumapo sa bawat isipan na maraming mga paraan at prosesong nadadaan sa usapan at mga balangkas ng payapang negosasyon sa pagkamit ng mga solusyon o mga desisyon. Nagbabago ang panahon, kaya't sana'y samantalahin natin ang bawat oportunidad sa mga maaayos at tamang paraan nang sa gayon ay maiwasan ang kaguluhan at walang namamatay na Pilipino sa kamay ng kapwa Pilipino. Hindi rin kailanman nararapat na gawing katwiran ang naging paraan ni Bonifacio upang ipagtanggol ang armadong pakikibaka laban sa gobyerno sapagkat magkaiba ng panahon at sitwasyon noon sa ngayon.
Isang taimtim na panalangin na ang payapang inaasam ng grupo ni Bonifacio noon ay mas maintindihan ng mga tao sa mas malalim na aspeto- na hindi niya rin pahihintulutang dumanak ang dugo sa pagitan ng bawat Pilipino. Hindi nila ipinaglaban ang ating kalayaan upang mismong ang mga Pilipino ngayon ang magkagulo at magwasakan ng kanya-kanyang buhay.
Bigyan natin ng pagpapahalaga ang buhay ng isa't isa lalo na ang ating mga kababayan, makiisa sa gobyerno tungo sa mas kalidad at maaasahang sistema at pamamahala. Sama-samang nating aayusin sa tamang paraan ang mga bagay-bagay lalo na't hindi siya imposibleng mangyari at kaya namang pagtuunan ng pansin at aksyon nang walang nakasalalay na buhay.
Sa likod ng pagdiriwang sa kagitingan ni Bonifacio ay ang pag-asang magkakaroon ng tunay na Kapayapaan sa pagitan ng bawat mamamayang Pilipino. Sa bandang huli, iisa pa rin ang Pilipinas at Pilipino pa rin tayong lahat!
Janine A Martin, Tadian, Mt Province