Aktibista Ako, Galit Ako Sa Terorista!
Marami ang labis na naapektuhan sa panukalang batas na Anti-Terrorism Act. Hindi pa man ito naisasabatas ay sari-saring opinyon na ang nagsisilabasan. Ano pa kaya ngayon na naisabatas na ito at nagsisimula nang habulin ang mga terorista at sinisingil na ang mga may kinalaman sa terorismo.
Iisa lang naman ang nais tumbukin ng batas na ito, ang labanan at puksain ang tinatawag nating "TERORISMO". Kung hindi ka terorista, wala kang dapat ikabahala. Dapat nga ay matuwa ka pa dahil may poprotekta na sa iyo, sa atin, laban sa anumang uri o klase ng terorismo.
Isa pa sa mga natatakot ay 'yong mga aktibista. Kung isa kang aktibista at tama naman ang iyong ipinaglalaban, bakit ka kakabahan? Wala kang dapat ikatakot dahil alam mo sa sarili mo, hindi ka naman konektado sa terorista. Pero kung aktibista ka at may kaugnayan ka sa mga terorista at may halong terorismo na ang iyong mga ginagawa, malamang doon ka paghihinalaan.
Napaghahalata tuloy ang mga aktibistang nag-ngangawngaw na ibasura ang Anti-Terrorism Act. Siguro may koneksyon talaga sila sa mga matatamaan ng batas? Kung ang mga aktibista pa lamang at hindi naman sila binansagang terorista ay natatakot na sa Anti-Terrorism Act, what more pa kaya ang mga terorista na talaga?
Sa mga lumalabas na mga balita nitong mga nakaraang araw, linggo, at buwan ay hindi mawawala sa mga headlines na may sumukong teroristang NPA. Kahit saang lugar ngayon sa Pilipinas ay hindi mo alintana na marami na sa mga teroristang NPA ang sumusuko at nagbabalik-loob na sa gobyerno. Pati ang kanilang mga taga-suporta ay unti-unti nang binabawi ang suporta nila sa mga NPA. Kung hindi man gutom at kahirapan ang kanilang idinadaing sa kanilang pagsuko ay gusto na nilang makapamuhay ng matiwasay at makasama ang kanilang mga mahal sa buhay. Lalo na ngayong nalalapit na ang kapaskuhan.
Marahil ay napagtanto na ng mga terorista na walang patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban kaya mas minabuti na lamang nilang sumuko kaysa ipagpatuloy pa ang kung anuman ang kanilang sinimulan na laging nababalot ng takot at wala namang kasiguraduhan ang kanilang buhay. So, sino ngayon ang mas takot? Yung papunta pa lang sa terorismo o yung napagdaanan na ang buhay-terorista?
Wala namang masama sa pagiging aktibista, eh, basta alam natin ang mabuti sa masama. Kung mayroon tayong iaambag na solusyon sa mga ibinabatong isyu sa ating gobyerno, 'yon ang mabuti. Pero kung puro lang tayo reklamo at sumali tayo sa mga gawaing terorista, ibang usapan na 'yon. Kinakalaban mo na ang gobyerno sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.
Bakit mo ipapabasura ang isang batas kung ang layunin naman nito ay para mawakasan na ang insurhensya sa ating bansa. Panahon na para tayo'y magkaisa laban sa mga gustong pabagsakin ang demokrasya ng ating bayan. Magtulungan tayo patungo sa kapayapaan at kaunlaran.